Kabiguan na maibaba ang presyo ng bilihin, pinuna ng ilang senador

Sinita ni Senator Imee Marcos ang kabiguan ng mga polisiya at programa ng gobyerno para maibaba ang presyo ng mga bilihin.

Partikular na tinutukoy dito ni Sen. Marcos ang mababang taripa para sa imported na bigas, mais at karne na ipinatupad noon pang 2021 na inaasahang magpapababa sa presyo ng mga pangunahing bilihin.

Giit ng senadora, bagamat natigil ang tuluy-tuloy na pagtaas ng inflation rate, hindi pa rin bumabalik ang mababang presyo ng mga produkto tulad noong pre-pandemic level.


Tanong tuloy ni Sen. Marcos na ngayong dadagdag pa ang epekto ng El Niño phenomenon sa pagtaas sa presyo ng mga bilihin ay ipipilit pa rin ba na solusyon ang murang importasyon ng mga produkto.

Inirekomenda ng mambabatas ang ilang mga hakbang na mas malaki ang tsansang mapapababa ang presyo ng pagkain at iba pang produktong agrikultural sa bansa.

Kabilang dito ang pagmamadali na makumpleto ang mga pasilidad para sa irigasyon, pagtatayo ng mga warehouses, food storage at mas pinalawak na cold chain.

Dagdag pa sa solusyon ang pamumuhunan ng pribadong sektor sa value adding, processing at distribution; pagpapalakas sa mga young farmers ng kanilang consolidated farmland, agricultural machineries, training, at access sa capital market; ang pagre-review ng Department of Agricullture (DA) sa implementasyon ng repopulation program sa mga lugar na apektado ng African Swine Fever (ASF); at fertilizer at fuel subsidies para sa mga corn farmers.

Facebook Comments