Kinumpirma ni Department of Agriculture (DA) Spokesperson Arnel de Mesa na nagpositibo sa African Swine Fever (ASF) ang nasa 140 baboy mula sa Sariaya, Quezon na nahararang ng mga veterinary inspectors ng Bureau of Animal Industry (BAI).
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni De Mesa na positibo sa ASF ang animnapung (60) mga baboy na naharang sa Tandang Sora animal checkpoint.
Nagpositibo rin sa ASF ang nasa 80 na mga baboy na naharang naman sa checkpoint sa Marulas, Valenzuela.
May iba pang nasabat na mga baboy ang sumasailalim sa pagsusuri ng BAI.
Pawang galing sa Sariaya, Quezon ang mga nakumpiskang mga baboy.
Patunay aniya ito na sa mga biyahero nanggagaling ang pagkalat ng ASF.
Nababahala na ang DA sa mga iresponsableng mga magba-baboy na ipinapalusot ang mga may sakit nilang baboy.