Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na umaabot na sa 177 ang health facilities na napinsala ng lindol na tumama sa Abra noong nakalipas na linggo.
Sinabi ni DOH Officer-In-Charge Maria Rosario Vergeire na kabilang sa mga pasilidad na ito ay mga ospital, rural health units, barangay health stations, city at municipality health offices.
Pinakamatindi anyang napinsala ay ang Abra Provincial Hospital na agad naman napuntahan ng mga opsiyal ng DOH.
Sinabi pa ni Vergeire na may mga espesyalista na ring dumating mula sa Philippine Medical Emergency Team na nagmula sa iba’t ibang ospital ng gobyerno para umalalay sa Abra Provincial Hospital.
Mino-monitor naman ng DOH ang lahat ng mga naapektuhang pasilidad upang matiyak na ligtas ito bago gamitin ng publiko.