Sumampa na sa 17 ang kabuuang bilang ng kaso ng UK Variant ng COVID-19 sa Pilipinas.
Batay sa ulat ng Department of Health (DOH), UP-Philippine Genome Center (UP-PGC) at ng UP-National Institutes of Health (UP-NIH), labing-dalawang indibidwal sa nagpositibo sa B.1.1.7 variant ay nagmula sa Bontoc, Mountain Province.
Pito sa mga ito ay lalaki at lima ang babae; tatlo sa mga pasyente ang edad 18-anyos pababa habang tatlo rin ang edad 60-anyos pataas.
Bukod sa kanila, na-detect din ang B.1.1.7 variant sa dalawang Returning Overseas Filipinos (ROFs) na dumating sa bansa nitong ika-29 ng Disyembre 2020 mula Lebanon sakay ng Philippine Airlines flight PR 8661.
Isa mga ito ay 64-anyos na babae na nakatira sa Jaro, Iloilo City at naka-admit sa San Juan, Metro Manila na discharge nitong ika-9 ng Enero; habang ang isa ay 47-anyos na babae rin na nakatira sa Binangonan, Rizal at naka-quarantine sa New Clark City at na-discharge nitong ika-13 ng Enero.
Samantala, dalawang kaso rin ng B.1.1.7 variant ang naitala sa La Trinidad, Benguet at Calamba City, Laguna.
Parehong walang contact sa kumpirmadong kaso ng COVID-19 ang mga pasyente at wala ring travel history sa labas ng bansa.
Isa sa kanila ay naka-admit sa Benguet Temporary Treatment and Monitoring Facility habang ang 23-anyos na lalaki naman na taga-Laguna ay na-discharged na noong ika-16 ng Enero matapos mag-negatibo sa virus.
Sa ngayon sinabi ng DOH na tatlo sa mga tinamaan ng B.1.1.7 variant ay gumaling na, 13 ang active cases kung saan tatlo ang aymptomatic at 10 ang may mild sysmptoms.