Nakibahagi ang Armed Forces of the Philippine (AFP) sa pambansang paglulunsad ng Kadiwa ng Pasko sa Wellness Center ng Kampo Aguinaldo.
Pinangunahan ni Undersecretary Emerald Ridao ng Office of the Press Secretary, Col. Paul Anthony Guerrero acting Commander ng AFP General Headquarters and Headquarters Service Command ang launching ceremony.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Jorry Baclor, sa pamamagitan ng Kadiwa ng Pasko ay magbebenepisyo ang mga sundalo, sibilyang empleyado ng AFP, military dependents at iba pa sa mga produktong agrikultura na mas mababa ang presyo kaysa sa mga regular na pamilihan.
Ang proyekto ay inisyatiba ng pambansang pamahalaan sa pangunguna ng Department of Agriculture (DA).
Maliban sa Kampo Aguinaldo, inilunsad din ang Kadiwa ng Pasko program sa 14 na iba pang lugar sa bansa kung saan 11 dito ay sa Metro Manila, tig-iisa sa Tacloban City, Davao de Oro, at Koronadal City sa South Cotabato.