KAHALAGAHAN NG PAGIGING LAGING HANDA, IPINUNTO NG ALKALDE NG CAUAYAN CITY

Cauayan City, Isabela- Binigyang diin ni Cauayan City Mayor Jaycee Dy Jr. ang kahalagahan ng pagiging laging handa sa mga sakuna’t kalamidad kasabay ng isinagawang ika-anim na Barangay Responders on Disasters o BROD Challenge at 1st Inter Agency Responders on Disasters Challenge kahapon sa Barangay San Luis sa Lungsod ng Cauayan.

Sa mensahe ni Mayor Jaycee Dy Jr sa pagsisimula ng kompetisyon, kanyang sinabi na napaka-timely o napapanahon aniya ang naturang aktibidad dahil katatapos lamang ng lindol na naramdaman sa Lungsod ng Cauayan.

Inihayag ng alkalde na ang pagsasagawa ng BROD at Inter Agency Challenge ay hindi lamang isang laro o kasiyahan kundi isang daan din para maipabatid at maituro sa mga opisyal ng barangay, sa mga kabataan at sa mga uniformed personnel ang kahalagahan ng pagiging laging handa at alerto sa mga sitwasyon na hindi inaasahan gaya ng paglindol.

Maganda aniya na mayroong ganitong aktibidad na isinasagawa taon-taon dito sa Siyudad ng Cauayan para lalong mapaghandaan ang mga darating na sakuna at kalamidad.

Importante rin aniya na ang bawat isa ay laging alerto pangunahin na ang mga barangay sa pagtugon sa mga hindi inaasahang pangyayari upang sa ganon ay mayroon nang aasahang tutulong sa barangay para hindi na kailangang hintayin pa ang mga rerespondeng kawani ng Rescue.

Pinasalamatan naman ni Mayor Jaycee Dy ang CDRRMO sa pamumuno ni Ronald Viloria sa pag-ayos at pagtrabaho sa nasabing kompetisyon.

Sa mensahe naman ni LNB president at Brgy. Captain ng San Fermin na si Victor Dy Jr., pinuri nito ang napakagandang aktibidad ng CDRRMO at proyekto ni Mayor Jaycee Dy Jr. dahil isa aniya itong paraan bilang pagsasanay ng mga Cauayeño sa pagtugon at pagsagip ng buhay sakaling makaranas ng sakuna at tamaan ng kalamidad ang Lungsod.

Kaugnay nito, malalaman pa lang ngayong araw ang mga nagwagi sa BROD at Inter Agency Finals na igagawad sa Isabela Convention Center o ICON.

Limang barangay mula sa bawat region sa Lungsod ang naglalaban-laban sa BROD Challenge habang ang POSD, Regional Training Center 2 ng PNP at Tactical Operations Group 2 ng Philippine Airforce naman ang nagtagisan ng galing sa Inter Agency Challenge.

Samantala, gagawaran din ng premyo ni Mayor Jaycee Dy ang lahat ng mga aktibong barangay dito sa Lungsod ng Cauayan para mahikayat din ang iba pang mga barangay na maging aktibo at makilahok sa mga aktibidades at kompetisyon lalo na sa larangan ng pagresponde.

Facebook Comments