Kahalagahan ng preemptive evacuation, iginiit ni PBBM

Nauunawaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang rason kung bakit marami sa mga Pilipino ang ayaw lumikas kaagad sa kabila ng matinding banta ng bagyo sa kanilang lugar.

Sa situation briefing sa Antique Province tungkol sa epekto ng Bagyong Paeng, sinabi ng pangulo na hindi lang ito problema sa Antique kundi maging sa iba pang lugar sa bansa tuwing may kalamidad.

Ginawa ng pangulo ang pahayag na ito bilang sagot sa sentimyento ni Antique Governor Rhodora Cadiao na matitigas ang ulo ng mga tao at ayaw sundin ang kanilang ipinatupad na preemptive evacuation.


Ngunit ayon sa pangulo, hindi ito masasabing katigasan ng ulo at sa halip na sisihin aniya ang mga ito ay kailangang unawain dahil mahirap talagang iwanan ang bahay at kabuhayan, gaya ng mga alagang hayop kapag masama ang panahon.

Hindi aniya maiaalis ang pag-aalala na baka wala na silang datnan pagbalik mula sa evacuation center.

Gayunman, binigyang diin pa rin ng pangulo ang kahalagahan ng preemptive evacuations para maprotektahan ang kalusugan at kaligtasan ng taong bayan lalo na sa mga nakatira sa mga delikadong lugar.

Kailangan lang aniyang humahap ng paraan ang mga Local Government Unit (LGU) para mahikayat ang kani-kanilang nasasakupan na lumikas upang maka-iwas sa disgrasya.

Facebook Comments