Kahalagahan ng SOGIE Bill, naikumpara ng isang senador sa Maharlika Bill

Naikumpara ni Senator Risa Hontiveros sa Maharlika Investment Fund Bill ang Sexual Orientation, Gender Identity and Expression and Sex Characteristic (SOGIESC BILL).

Kaugnay na rin ito sa naging pahayag ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na hindi naman dapat madaliin ang SOGIESC Bill dahil hindi ito bahagi ng priority measure ng administrasyon at ang pagtutol ng maraming religious groups at iba’t ibang sektor.

Ayon kay Hontiveros, umaasa siyang dadaan sa tamang legislative process alinsunod sa Senate rules ang SOGIESC Bill.


Naihambing ng senadora ang panukala sa Maharlika Fund Bill na aniya’y isang beses lang inihain sa Senado kahit hindi naman kailangan sa ngayon pero nakapasa agad sa kapulungan.

Pero aniya, ang SOGIE Bill na napakatagal na at dalawang dekada nang nakabinbin sa Kongreso ay hindi pa rin makausad at pilit na hinaharangan.

Sinabi rin ni Hontiveros na pagiging manhid ang pagsasabing hindi urgent ang SOGIE Equality Bill.

Nakiusap ang mambabatas sa mga kasamahang senador na bigyan ng hustisya ang mga kababayang hindi malayang makapamuhay dahil lang sa kasarian at huwag kalimutan na ang mga miyembro ng LGBTQ+ community ay mga tao rin at mamamayan ng bansa na may karapatan.

Facebook Comments