KAHANDAAN NG PANGASINAN SA POSIBLENGLINDOL AT TSUNAMI, SINUBOK SA NATIONWIDE SIMULTANEOUS EARTHQUAKE DRILL

Nakiisa ang iba’t ibang lokal na pamahalaan, paaralan at emergency responders sa Pangasinan sa pagsasagawa ng Fourth Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill o NSED nitong Nobyembre 5, 2026.

Kabilang sa mga lumahok ang mga lokal na disaster response teams, pulisya, bumbero, mga guro at mag-aaral mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.

Sa Lingayen, na nagsilbing pilot area ng NSED sa Pangasinan, nakiisa ang mga tauhan ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO, kasama ang mga kalahok sa Basic Incident Command System Training.

Nagsagawa rin ng kani-kanilang earthquake drill ang mga lokal na pamahalaan, estudyante at faculty members sa Urbiztondo, Calasiao, San Quintin, San Jacinto, Sta. Barbara, Bautista, Alaminos City at iba pang bayan, kasama ang kanilang mga response teams.

Layunin ng aktibidad na masubok ang kahandaan ng publiko at matiyak na alam ng bawat isa ang tamang pagkilos at paglikas sakaling magkaroon ng lindol.

Sa livestream ng Office of Civil Defense, binigyang-diin ni DOST-PHIVOLCS Director Dr. Teresito C. Bacolcol na hindi sapat na alam lamang ng publiko ang mga panganib na dulot ng lindol at tsunami.

Mahalaga rin aniyang alam ng bawat pamilya, paaralan at barangay ang mga nararapat na hakbang at dapat gawin sa oras ng sakuna.

Samantala, isinagawa sa Cagayan Valley ang pangunahing ceremonial activity ng NSED, kasabay ng full-scale earthquake-tsunami simulation sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Isinabay rin ang aktibidad sa paggunita sa World Tsunami Awareness Day upang higit pang mapalawak ang kaalaman at kahandaan ng publiko laban sa panganib ng tsunami. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments