Pinaigting ng Philippine Coast Guard District Northwestern Luzon ang kahandaan sa posibleng insidente ng oil spill sa Rehiyon Uno sa pamamagitan ng Regional 1 Marine Pollution Exercise (MARPOLEX) 2026 Inter-Agency Coordination Meeting.
Isinagawa ang pulong kahapon, Marso 10, kung saan nagtipon ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang palakasin ang koordinasyon at paghahanda sa ganitong uri ng sakuna.
Tinalakay rito kung paano naaapektuhan ng oil spill ang iba’t ibang uri ng baybayin gaya ng mabuhangin, mabato, at may maliliit na bato, at kung paano tumutugon ang mga ito kapag nakontamina ng langis.
Ibinahagi rin sa mga kalahok ang tamang paraan ng oil spill containment, shoreline assessment, at cleanup operations upang mabawasan ang pinsala sa kapaligiran.
Binigyang-diin din sa talakayan ang epekto ng oil spill sa marine ecosystem at sa kabuhayan ng mga komunidad na umaasa sa pangingisda at turismo.
Ayon sa Philippine Coast Guard, mahalaga ang patuloy na koordinasyon ng mga ahensya at pagpapalakas ng kakayahan upang maprotektahan ang yamang-dagat at baybayin ng rehiyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







