Kahilingan ng UST na ibalik na ang face-to-face classes sa kanilang medical institution, inaprubahan na ng Manila LGU

Photo Courtesy: Manila PIO

Pumayag na si Manila Mayor Isko Moreno sa kahilingan ng University of Santo Tomas (UST) na ibalik na ang face-to-face classes sa mga estudyante nito sa medical institution at health programs.

Sa pakikipagpulong ng UST officials kay Moreno, inilatag ng pamunuan ng unibersidad ang ipapatupad nilang health at safety protocols, gayundin ang pag-manage ng kapasidad sa bilang ng mga nasa klase at ang pagpapatupad ng mga contingency plan sakaling may mga estudyante o faculty member na magkaroon ng sintomas ng COVID-19.

Ang hakbang ng alkalde ay alinsunod sa joint memorandum circular ng Commission on Higher Education (CHED) at ng Department of Health (DOH) na nagtatakda na sa mga kolehiyo at unibersidad na nais magsagawa ng limitadong face-to-face classes na konsultahin muna ang local government units na nakakasakop sa kanila.


Pinaalahanan naman ni Moreno ang UST officials na ang mga estudyanteng tatanggi na lumahok sa limited face-to-face classes ay hindi nila dapat pilitin.

Facebook Comments