Dahil sa kagustuhang makauwi sa Pilipinas, dumulog na sa social media ang isang OFW mula Riyadh, Saudi Arabia na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19)
Kinilala ang kababayang nasa viral video na si Alvin Benitez.
Ayon kay Benitez, hindi sila inaasikaso ng kanilang employer at pinagsama-sama pa raw sila ng mga kasamahan sa iisang kuwarto kahit kumpirmadong tinamaan ng nakamamatay na virus.
Walong indibdwal ang nananatili sa loob ng kuwarto, na pawang mga Pinoy, at tatlo sa kanila ay dinapuan na rin ng COVID-19.
Dagdag ni Benitez, may isa siyang kasamahan na hindi pa sumasailalim sa swab test.
Habang hinihintay nito ang resulta ng pagsusuri ay patuloy daw siyang pinagtrabaho ng kaniyang amo.
Ipinaalam na raw ng mga OFW ang kanilang kalagayan sa POLO Riyadh pero wala umano silang natanggap na tugon sa ahensiya.
Tiniyak naman ng OWWA na nakikipag-ugnayan na ngayon ang embahada sa Saudi Health Ministry upang mabigyan ng karampatang atensiyong medikal ang mga kababayang dinapuan ng sakit.