Manila, Philippines – Matapos mag-trending sa social media ang post ng isang ama na kinilalang si Fidel Sanchez na humihingi ng tulong sa Philippine National Police partikular kay PNP Chief Ronald Dela Rosa at kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa karumaldumal na pagkamatay ng kanyang 20 anyos na dalagang anak sa Binan, Laguna, personal na kinumusta ni Dela Rosa ang kaso nito sa Hall of Justice ng Binan, Laguna.
Sinabi ni PNP Chief, na naantig ang kanyang puso at nakonsensya kaya inalam niya ang status ng kaso.
Nitong Sabado aniya ay kusang loob na sumuko sa pulisya ang suspek na nakatakda nang sampahan ng kasong murder o pagpatay.
Kinilala ang suspek na si Richie Oliveros.
Napilitn na aniyang sumuko ang suspek dahil nakuha sa kapatid nito ang cellphone ng biktima na nawala noong nangyari ang krimen.
Matatandaang March 2, 2018 nang maabutang tadtad ng saksak sa kanilang bahay ang biktimang si Kimberly Sanchez.
Ayon kay PNP Chief, na batay sa inisiyal na imbestigasyon, nag-away ang suspek at biktima dahil lamang sa motorsiklo na nauwi pananaksak.
Umalis si Dela Rosa sa justice hall sa Binan, Laguna kanina ay inihahanda na ang pagsasampa ng kasong murder laban sa suspek.