Pormal nang binuksan ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) ang 16-araw na Water Safety, Rescue, and Survival Course (WSSRC) upang palakasin ang kahandaan at kakayahan ng mga pulis sa pagtugon sa iba’t ibang insidente na may kinalaman sa sakuna at kalamidad.
May 103 na kalahok mula sa iba’t ibang Police Provincial Offices (PPOs) at City Police Offices (CPOs) sa ilalim ng Police Regional Office 1 ang sasailalim sa pagsasanay na nakatuon sa emergency response at disaster preparedness.
Tinututukan ng kurso ang mas malalim na kaalaman sa risk assessment, water survival strategies, tamang pamamaraan ng pag-rescue, at wastong paggamit ng life-saving equipment upang mabawasan ang bilang ng mga biktima tuwing may sakuna.
Binibigyang-diin din ng programa ang kahalagahan ng koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya, aktibong partisipasyon ng komunidad, at maagap na paghahanda para sa mas epektibong proteksyon ng mga mamamayan ng Region 1.









