Anim na suspek ang arestado matapos umanong magsagawa ng modus ng pagnanakaw sa loob ng isang mall sa Calasiao, Pangasinan noong Pebrero 27, 2026.
Sa panayam ng IFM Dagupan, naganap ang nasabing pagnanakaw sa isang kilalang mall sa Barangay Ambonao.
Ayon sa ulat, nasapul sa CCTV ang pagkakakuha sa pitaka ng isang biktima na naglalaman ng P5,000 habang ito ay naggogrocery matapos umanong malinlang ng iba pang suspek.
Naaresto sa parking area ang isa sa mga suspek at nabawi ang pitaka pati na rin ang dalawang sabon na walang resibo at nagkakahalaga ng ₱802. Kalaunan, nahuli rin ng mga guwardiya ang lima pang suspek.
Kinilala ang dalawang lalaki at apat na babaeng suspek na pawang mga residente mula sa NCR at kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Calasiao Municipal Police Station.
Patuloy parin ang imbestigasyon ng kapulisan at pagproproseso ng kaso laban sa mga suspek.
Samantala, nanawagan ang pulisya sa publiko na maging mapagmatyag sa kanilang mga gamit at i-report agad ang kahina-hinalang kilos sa mga guwardiya o awtoridad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










