Maghahain si ang Probinsyano Partylist Representative Ronnie Ong ng resolusyon para silipin ang kakulangan ng recruitment agency at ng mga ahensya ng gobyerno sa kaso ng napatay na Pinay OFW sa Kuwait.
Ayon kay Ong, nagawa pang humingi ng tulong ng biktimang si Jeanelyn Villavende noong September 2019 sa kanyang recruitment agency ngunit wala man lamang ang rumesponde o nagberipika sa sitwasyon ng OFW.
Giit ni Ong, maiiwasan sana ang pagkamatay ni Villavende kung may maayos na sistema lamang ang gobyerno para sa agad na pagtugon sa mga reklamo ng mga distressed OFWs.
Sa kabila aniya ng presensya ng recruitment agency, POEA, Filipino center, embahada at OWWA ay nagtataka ang kongresista dahil wala ni isa sa mga ito ang kumilos para sa kaso ng biktima.
Dahil dito, maghahain ng resolusyon si Ong para makasuhan ng administratibo ang recruitment agency at mga opisyal ng gobyerno dahil sa kapabayaan at mabagal na pagtugon sa reklamo ng mga inaabusong OFWs.
Sisilipin din ang umiiral na patakaran na kailangan pang magsumite muna ng report sa POEA ng recruitment agency tungkol sa reklamo ng mga OFWs bago ito magawang aksyunan.