Wednesday, March 4, 2026

KAKULANGAN SA PALIKURAN, HAMON PARA SA MGA MAG-AARAL NG IP SA MABINI

Nananatiling malaking problema ang kakulangan sa palikuran sa mga paaralan ng Indigenous People (IP) sa kabundukan ng Mabini, Pangasinan.

Ito ay matapos ang isinagawang operasyon laban sa droga ng Pangasinan Police Provincial Office (PANG PPO) sa Mabini kung saan ginawang staging area ang isa sa mga paaralan sa kabundukang bahagi ng bayan.

Ayon sa obserbasyon ng kapulisan, ang maliit na paaralan sa upland area ay walang maayos na restroom, na sanhi ng kawalan ng malinis na palikuran para sa mga mag-aaral.

Noong Oktubre ng nakaraang taon ito ginamit bilang staging area ng mga tauhan ng Pang PPO at nasaksihan ang limitadong pasilidad at ang kawalan ng komportableng palikuran para sa mga estudyante.

Dahil dito, naglatag ang kapulisan at katuwang na mga ahensya ng hakbang upang magpatayo ng comfort room para sa paaralan. Bukod dito, nagsagawa rin ang kapulisan ng libreng paggupit ng buhok sa mga mag-aaral at namahagi ng ilang grocery items.

Nilayon ng proyekto na mapabuti ang kalinisan at kapakanan ng mga mag-aaral, at masiguro ang mas maayos at ligtas na learning environment.

Samantala, nanawagan ang mga lider ng IP community na matugunan pa ang kakulangan sa mga pangunahing imprastraktura sa paaralan tulad ng palikuran, na patuloy na hamon sa edukasyon sa mga upland areas. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments