KALABOSO | Manloloko ng mga pasahero sa NAIA, timbog!

Pasay City – Hawak na ng mga otoridad ang isang notoryus na manloloko ng mga pasahero na bumibiktima sa NAIA Terminal 3 sa Pasay City.

Ayon sa Airport Police ang suspect na kinilalang si Joseph Pascasio ay madalas nang makulong dahil sa panloloko at pambibiktima ng mga pasaherong babae sa NAIA Terminal.

Noong September 23, umatakeng muli si Pascasio at nambiktima ng isang babaeng pasahero na papaalis patungo ng Dubai na kinilalang si Alvina Aragat ng Barangay Waan, Davao City.


Kanya itong kinuhanan ng P500 at kinuha pati ang Philippine passport makaraang magpakilalang immigration officer at sinabihan ang biktima na mag text na lamang, kung mayroon na itong tatlong libong piso na pantubos sa kanyang pasaporte.

Makaraang makatanggap ng reklamo ang mga otoridad, agad na nagsagawa ng man hunt operation ang police intelligence and investigation division at mga tauhan ng airport police department, sa Terminal 3 at nahuli ang suspek.

Nabawi sa kanya ang pasaporte ng biktima at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Sa ngayon nahaharap ang suspek sa mga kasong theft, usurpation of authority at illegal possession of illegal drugs.

Facebook Comments