Kinumpirma ni OCD Bicol Dir Claudio Yucot sa interview ng RMN Naga-DWNX sa programang DOBLE PASADA na nasa 69 na ang umpirmadong namatay kaugnay ng TD Usman. Mataas na bilang ang nasa Camarines Sur, Camarines Norte, Albay, at iba pang probinsya ng Bicol.
Sa nasabing bilang, pinakamarami ang namatay sa Camarines Sur, hindi pa kasama rito ang mga namatay sa Barangay Patitinan sa bayan ng Sagnay, Camarines Sur. Ayon sa pahayag ni Yucot, 25 sa Camarines Sur, 17 sa Albay, 6 sa Sorsogon, 14 sa Camarines Norte at 7 naman sa Masbate.
Sa report na nakaabot sa RMN Naga – DWNX, umaabot na sa tinatayang nasa 46 ang mga nakuhang patay sa maraming landslides na nangyari sa nabanggit na barangay.
Sinabi ni Yucot na meron na silang initial information tungkol sa malagim na pangyayari sa Barangay Patitinan, Sagnay, Camarines Sur, subalit hindi pa makapagpalabas ang kanyang opisina ng official information dahil inaantay pa ang pormal na report mula sa PDRRMC ng Camarines Sur na pinangungunahan ni Gov. Migz Villafuerte. Nilinaw ni Yucot na hangga’t hindi pa nila natatanggap ang report ng PDRRMC, hindi nila mai-divulge ang impormasyon tungkol sa casualties sa nabanggit na barangay ng Sagnay sa Camarines sur.
Sa kaugnay na balita, kinumpirma naman ni Barangay Kapitana Zaida Baron ng Patitinan na talagang nasa 30 na ang naretrieve na mga bangkay sa ilang sitios ng Barangay Patitinan kung saan hindi bababa sa 10 ang mga insidente ng landslides. Sinabi pa ni Baron na nasa 16 pa katao ang missing at 4 ang naka-survive na kasalukuyang ginagamot sa Naga City.
Bunsod nito, pinangangambahang aakyat pa sa 100 ang mga binawian ng buhay at milyong-milyong produkto ang nasalanta ng TropDep Usman sa buong rehiyon ng Bicol.
Photo credits: Jhem Badilla Buena
Kalamidad sa Bicol, Pinangangambahang Aakyat Pa sa 100 ang Bilang ng mga Nasawi; Pinakamarami sa Camarines Sur
Facebook Comments