Cauayan City, Isabela- Nahukay kahapon ng mga kasapi ng 17th Infantry Battalion, Philippine Army at kapulisan ang kalansay ng isang miyembro ng teroristang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) na hinihinalang nagpakamatay at matagpuan sa Sitio Lagum, Sto. Niño, Cagayan.
Nakilala ang kalansay na si Ka Barney, miyembro ng Danilo Ben Command, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley (KR-CV) at hinihinalang taga Tondo, Maynila.
Sa pakikipagtulungan ng isang former rebel, agad na nagsagawa ng combat operation ang tropa ng 17IB at PNP upang hukayin ang dalawang baril sa naturang lugar at natagpuan ang homemade shotgun hanggang sa tumambad naman sa kanila ang isang kalansay.
Lumalabas sa kwento ng former rebel, taong 2017 ng magkaroon ng problema sa buhay pag-ibig at hirap sa pamumuhay sa loob ng armadong grupo si Ka Barney kung kaya’t nais na nitong tumiwalag sa grupo ngunit hindi siya pinayagan.
Ito umano ang nag-udyok kay Ka Barney na wakasan ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pag-inom ng lason.
Inihayag naman ni Lt/Col. Angelo Saguiguit, Commanding Officer ng 17IB, hindi aniya makatarungan at makataong ginawa ng mga rebeldeng CPP-NPA sa dating kasamahan matapos nila itong pakinabangan.
“Nakikiramay tayo sa pamilya ni Ka Barney na hindi man lang siya nakita at nakasama dahil sa panlilinlang ng mga rebeldeng CPP-NPA. Isa nanaman ito sa mga patunay ng kanilang paglabag sa karapatang pantao. Patunay din ito na hindi binibigyang pagpapahalaga ng mga rebeldeng CPP-NPA ang kanilang mga ordinaryong kasamahan”.
Sa ngayon, nasa pangangalaga na ng pulisya ang natagpuang kalansay para sa isasagawa pang imbestigasyon at mabigyan ng disenteng libing.