Nangangamba si Senator Grace Poe na makompromiso ang kaligtasan ng mga bata dahil sa balak ng gobyerno na pagpapaluwag sa quarantine restrictions para sa mga menor de edad.
Pahayag ito ni Poe makaraang ianunsyo ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, ang planong pagpayag na makapunta na sa mga shopping malls ang mga bata basta’t kasama ang kanilang magulang.
Iginiit ni Poe na sakaling matupad ito ay titiyakin ng gobyerno at mall authorities ang napaka-istriktong implementasyon ng safety protocols laban sa COVID-19.
Nauunawaan ni Poe na tila bumaligtad ang buhay ng mga bata ngayon dahil sa pandemya at naging malaking hamon ang ilang buwan na pagkukulong nila sa loob ng tahanan.
Gayunpaman, iginiit ni Poe, na hindi pa tapos ang laban sa COVID-19 hangga’t hindi nagkakaroon ng epektibong bakuna laban dito.
Ipinunto pa ni Poe, na hanggang ngayon ay humahagilap pa rin ang pamahaalan ng pagkukunan ng pondo para mabigyan ng libreng COVID-19 vaccines ang mga sektor na pinakadelikado at higit na kailangang mabakunahan.