Manila, Philippines – Naghahanda na ang mga militanteng grupo upang tumulak papuntang Mendiola mula UST.
Ilan sa mga anti-Duterte ay nasalubong ang mga pro-Duterte na nagsasagawa din ng National Day of Protest upang magpahayag ng pagsuporta sa lahat ng programa ng gobyerno.
Nakasuot ng kulay orange at puti ang pro-Duterte habang itim naman ang anti-Duterte.
Dumadaan sa mga eskinita sa Sampaloc, Manila ang mga pro-Duterte para umiwas sa mga anti-Duterte na naglalakad sa kahabaan ng España Boulevard.
Kanya-kanyang pwesto ang mga anti at pro-Duterte na nagsasagawa ng kilos protesta.
Sa Luneta, ikinadismaya ng mga militanteng grupo ang maliit na espasyong ibinigay sa kanila ng Manila City Government, habang ang mga pro-Duterte ay halos okupahan na ang buong Luneta.
Ayon kay Station 3 Commander P/Supt Thomas Ibay, nagmistulang kapistahan ng Quiapo sa dami ng tao.
Inaasahang aabot sa 50 libong mga pro-Duterte ang magsasagawa ngayon ng kanilang programa sa Plaza Miranda, na aabot na rin sa Carlos Palanca, Raon, Mc Arthur at Jones Bridges.