Kalusugan at ekonomiya ng bansa, mapapahamak sa RCEP – Sen. Risa Hontiveros

Hindi kumbinsido si Senator Risa Hontiveros na hindi mapapahamak ang kalusugan at ekonomiya ng bansa sa ilalim ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).

Kagabi ay kinatigan ng Senado ang ratipikasyon ng RCEP na isang free trade agreement sa pagitan ng sampung bansang kasapi ng ASEAN at mga bansang China, Japan, South Korea, Australia at New Zealand.

Ayon kay Hontiveros, hindi siya naniniwala na ang kalusugan at seguridad ng bansa ay ma-po-protektahan laban sa pagpasok ng mga tobacco at formula milk advertisements.


Nababahala si Hontiveros na kahit may batas ang bansa laban sa mga patalastas ng sigarilyo at formula milk ay posibleng hamunin tayo ng mga bansang kasapi sa RCEP at igiit ang hindi natin pagsunod.

Nangangamba ang senadora na ang mga consequence na dulot ng RCEP ay maging malalim at umabot pa sa mga susunod na henerasyon.

Duda rin si Hontiveros sa magiging bunga ng RCEP sa ekonomiya lalo na sa isang pag-aaral kung saan lumalabas na ang balanse sa kalakalan sa mga produkto ay babagsak sa 264 million US dollars kada taon at pagkawala ng kita sa buwis ng bansa na aabot ng 58 million US dollars kada taon.

Dagdag pa ni Hontiveros hawak niya ang liham ng 131 organisasyon mula sa grupo ng mga magsasaka, mangingisda, trade union, health advocates at fair trade advocates na kumakatawan sa milyong mga Pilipino at naghahayag na hindi pa handa ang bansa sa nasabing kasunduan.

Facebook Comments