Dudulog si Committee on Appropriations Chairman Eric Yap sa Department of Budget and Management (DBM) at sa Department of Finance (DOF) para sa panukalang Bayanihan 3.
Makikipag-ugnayan si Yap sa DBM at DOF upang mapag-usapan kung saan maaaring hugutin ang pondo na P420 Billion para sa Bayanihan to Arise as One Act na iniakda nila House Speaker Lord Allan Velasco at Marikina Representative Stella Quimbo.
Sa House Bill 8628 o Bayanihan 3, ay layong maglaan ng karagdagang budget para sa pagbangon ng ekonomiya mula sa naging epekto ng pandemyang dala ng COVID-19.
Hanggang ngayon aniya ay dama pa rin ang negatibong epekto ng COVID-19 pandemic at magiging daan ang Bayanihan 3 para sa mas mabilis na pagbangon ng ekonomiya ng bansa.
Mainam aniyang maka-usap na ngayon ang DBM at DOF upang mapaghandaan na ang kukuhaan ng pondo sakaling ito’y maisabatas at tuluyang maipatupad.
Sa ngayon, hinihintay na lamang na maisalang at mabusisi ang panukalang Bayanihan 3 sa appropriate committee.