Nakahanda na ang Kamara sa nalalapit na ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte na gaganapin sa July 22.
Ayon kay Secretary General Roberto Maling, nasa 75 hanggang 80 percent nang handa ang Mababang Kapulungan kahit mahigit isang buwan pa bago ang SONA ng Pangulo.
Aniya, walang pagkakaiba ang gagawing SONA ngayon ni Duterte kung ikukumpara ito sa nakaraang taon.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Kamara sa Presidential Security Group (PSG) para sa security measures at dami ng ipapakalat na mga pulis sa paligid ng Batasan Complex.
Sa ngayon ay inihahanda na rin ang magiging budget, mga programa at scripts na gagamitin sa SONA ng Pangulo.
Sinabi pa ni Maling, na ang tanging mababago lang sa SONA ng presidente ay kung sino ang makakasama nito na maglalakad patungo sa kanyang puwesto sa SONA.