Kamara, hihilingin sa pangulo na sertipikahang urgent ang 2022 national budget

Posibleng hilingin ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kay Pangulong Rodrigo Duterte na sertipikahang urgent ang panukalang 2022 national budget.

Kinumpirma ito ni House Appropriations Committee Chairman Eric Yap sa gitna na rin ng nakatakdang pagsusumite ng Budget Department sa Kamara ng 2022 National Expenditure Program (NEP).

Ayon kay Yap, magiging malaking hamon sa kanila sa Kongreso ang maagang session break sa October 1.


Bukod dito, inaasahang sa August 20 o 23 pa maisusumite ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kamara ang kopya ng panukalang pambansang pondo sa 2022.

Sinabi ni Yap na kailangang sa September 29 o 30 ay napagtibay na ng Mababang Kapulungan sa ikatlo at huling pagbasa ang national budget.

Tiniyak naman ni Yap na hindi nila palalagpasin ang paghimay ng husto sa mga budget ng mga kontrobersyal na ahensya tulad ng Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of Public Works and Highways (DPWH).

Facebook Comments