Tiniyak ng Palasyo ng Malacanang na magkakaroon ng smooth transition of power sa Speakership sa harap narin ng term-sharing scheme na gagawin sa Kamara sakaling manalo bilang House Speaker si Alan Peter Cayetano na inendorso na ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, nagkasundo na sina Congressman Alan Peter Cayetano, Congressman Lord Alan Velasco at Congressman Martin Romualdez na hindi nila hahayaang magkaroon ng problema sa Kamara sa harap ng gagawing term-sharing.
Sinabi ni Panelo na dahil sa kasunduan ay hindi maaapektohan ang pagpapasa ng National Budget, at iba pang mahahalagang batas at hindi din magkakaroon ng problema sa chairmanship ng mga mahahalagang komite sa Kamara.
Matatandaang nagpahayag ng pangamba si Albay Representative Joey Salceda na maaaring makaapekto sa house committees and term-sharing na gagawin nila Cayetano at Velasco.