Kinalampag ni Marino Partylist Rep. Sandro Gonzalez ang Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (Marina) na magsagawa ng malalimang imbestigasyon kaugnay sa magkakahiwalay na pagtaob at paglubog ng tatlong bangka sa Ilo-ilo-Guimaras Strait nitong weekend.
Sa ngayon ay umabot na sa 31 ang narerekober na patay habang 3 pa ang nawawala sa magkakahiwalay na insidente.
Hiniling ni Gonzalez sa PCG at Marina na magsagawa ng impartial investigation dito partikular na sa ipinapatupad na protocols kapag masama ang panahon.
Nagtataka ang kongresista kung bakit pinayagan pang bumyahe ang ikatlong bangka gayong may dalawang motorboat banca na ang naaksidente.
Mahalaga aniyang malaman kung sino ang responsable at may pagkukulang sa naganap na insidente sa karagatan upang hindi na maulit ang ganitong trahedya sa hinaharap.
Itutulak din ng mambabatas ang agarang pagapruba sa Maritime modernization para sa pag-angat ng maritime industry ng bansa.