Kamara, inaabangan na ang pagsusumite ng Malacañang sa 2020 national expenditure program

Inaasahan na ng Mababang Kapulungan na isusumite na ng Malakanyang sa susunod na Linggo ang P4.1 Trillion na pambansang pondo sa susunod na taon matapos na aprubahan kagabi ni Pangulong Duterte ang 2020 National Expenditure Program (NEP).

Ayon kina House Speaker Alan Peter Cayetano at House Majority Leader Martin Romualdez, inaantabayanan na lamang nila sa Kamara na maisumite ng palasyo ang NEP.

Sa kanilang tantya ay sa August 16 hanggang 20 maisusumite ng Malakanyang ang NEP pero gusto naman ng Department of Budget and Management na magpasa ng mas maaga lalo pa ngayon na mayroon silang bagong Kalihim.


Ngayong araw at bukas ay makikipagpulong naman si Cayetano para ayusin ang schedule ng pagdinig sa budget.

Inatasan na rin ng Speaker sina Deputy Speaker for Finance LRay Villafuerte at House Committee on Appropriations Isidro Ungab na makipag-ugnayan na sa DBM at sa mga komite.

Hindi pa naman matiyak ni Cayetano kung cash-based o obligation based ang budgeting system sa 2020 hangga’t hindi pa nila nakikita ang NEP.

Tiniyak ng Kamara na hindi na mauulit ang nangyari sa 2019 budget na nadelay ang approval dahil sa mga isiningit sa pambansang pondo.

Facebook Comments