Inindorso ni House Speaker Lord Allan Velasco na maisama sa 2022 national budget ang pagbili ng tatlong “brand new” na C-130J cargo aircraft bilang bahagi ng modernisasyon ng Philippine Air Force (PAF).
Ayon kay Velasco, ito ay bahagi ng naunang pangako ng Kamara na isasama sa 2022 budget ang upgrade at modernisasyon ng mga aircraft ng Hukbong Panghimpapawid kasunod na rin ng nangyaring pagbagsak noong Hulyo ng C-130 military plane sa Patikul, Sulu kung saan 49 na sundalo ang nasawi.
Ginawa ng speaker ang endorsement sa pulong ng ilang mga lider ng Mababang Kapulungan kasama ang mga opisyal ng PAF sa pangunguna ni Commanding General Lt. Gen. Allen Paredes.
Napagbigyan ng Kamara ang hiling ng PAF na magkaroon ng alokasyon para sa mga bagong C-130J cargo planes lalo’t kailangang-kailangan ang mga ito sa disaster response, Overseas Filipino Workers (OFWs) repatriation at troop deployment.
Bukod dito, ang mga bagong C-130J cargo planes ay sagot sa maraming dekada nang problema ng mga lumang C-130 na ang iba ay nauuwi sa trahedya at pagkasawi ng marami.