Manila, Philippines – Iraratsada ng House Committee on Justice ang pagdinig sa probable cause ng impeachment complaint laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito ay para bago mag-Christmas break ang Kamara ay matapos na ang pagdinig sa impeachment ni Sereno sa Mababang Kapulungan at masimulan na ang trial sa Senado sa susunod na taon.
Itinakda ng komite na sa November 27, 28, at 29 ay dalawang grounds muna ang tatalakayin, ito ay ang culpable violation of the constitution at corruption.
Sa December 4, 5, at 6 naman itinakda ang paghimay sa probable cause sa mga grounds na betrayal of public trust at other high crimes.
Pagkatapos nito ay pagbobotohan na ng komite kung may probable cause ang mga reklamo laban kay Sereno at kasunod na nito ang pagbuo ng committee report para sa ilalatag na articles of impeachment.
Sa December 13, pagbobotohan sa plenaryo ang impeachment complaint sa Chief Justice para pagtibayin ang nabuong articles of impeachment at maiakyat na sa Senado.
Sa 27 acts na ibinabato kay Sereno, tatlo na ang natatalakay dito ng Justice Committee.
Sa pagdetermina ng probable cause, lumalabas na walang “personal knowledge” si Atty. Larry Gadon sa kanyang reklamo laban kay Sereno.
Makailang beses na ibinabato ni Gadon na si SC Associate Justice Teresita de Castro ang makakasagot sa mga tanong na nais i-verify ng komite katulad ng falsification ng TRO sa Senior Citizens Coalition at ang pagtanggi na niratipikahan ng mga mahistrado ang pagbuo muli sa Regional Court Administrative Office Region 7.