Tiwala si Deputy Speaker Bernadette Herrera na lalagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang buong P5.024 trillion na pambansang pondo sa 2022.
Ayon kay Herrera, ang bersyon ng pinagtibay na 2022 General Appropriations Bill (GAB) ay alinsunod sa itinatakda ng Konstitusyon kaya naman maliit ang tsansang ma-veto ito.
Kumpyansa pa ang kongresista na hindi mabi-veto ang mga probisyon ng national budget lalong-lalo na ang mga may kinalaman sa COVID-19 response.
Ang ratified na budget ay naisumite na sa tanggapan ng pangulo at lalagdaan na lamang upang tuluyang maisabatas sa Enero.
Kasama sa pambansang pondo ng susunod na taon ang alokasyon para sa benepisyo at kompensasyon ng mga health care workers, pag-hire ng human resource para sa health emergency, laboratory network commodities, libreng COVID-19 tests para sa mga naghahanap ng trabaho, pondo para pambili ng vaccine booster shots, hiring at training ng mga contact tracers at iba pa.
Dagdag pa rito, karamihan pa sa mga alokasyon tulad sa mga benepisyo ng health workers at booster vaccines ay hindi pinondohan o wala sa ilalim ng National Expenditure Program na orihinal na isinumite ng Malacañang sa Kongreso.