Magsisilbing host ang Mababang Kapulungan ng Kongreso para sa kauna-unahang virtual meeting ng ika-11 ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) Caucus sa August 14, 2020.
Ito na ang ikalawang beses na nag-host ang Pilipinas sa AIPA Caucus noong 2011.
Bagamat nagconvene noon sa teleconference ang AIPA, ito ang unang pagkakataon na magsasagawa ng virtual meeting na may temang “We Heal as One: Parliamentary Cooperation Towards Mitigating Risks and Strengthening Economic Resilience in the Period of Pandemic.”
Ayon kay House Secretary General Atty. Jose Luis Montales, layunin ng pulong na palalimin ang koordinasyon ng mga bansa sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) pagdating sa COVID-19 economic and public health response at epekto ng pandemya sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya.
Ipapakita sa AIPA Caucus ang mga video at presentations ng walong AIPA member parliaments patungkol sa legislative response ng mga bansa sa global health crisis.
Magkakaloob din ito sa mga bansa sa ASEAN ng oportunidad na magsagawa ng dayalogo at konsultasyon sa mga repormang ipatutupad upang makabangon ang ekonomiya sa SouthEast Asia at palakasin ang kakayahan ng rehiyon na malagpasan at labanan ang mga kaparehong sitwasyon sa hinaharap.