Mariing kinondena ng Mababang Kapulungan ang pagpatay sa mamamahayag na si Percival Mabasa o Percy Lapid na kilala sa kaniyang adbokasiya laban sa mga pag-abuso at iregularidad.
Nakapaloob ito sa House Resolution number 489 na pinagtibay ng mga mababatas kung saan nakasaad din ang kanilang pagkabahala para sa kaligtasan ng mga mamamahayag sa bansa.
Pangunahing may-akda ng resolusyon sina House Speaker Martin Romualdez, House Majority Leader at Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, at House Minority Leader at 4Ps Party-list Rep. Marcelino Libanan.
Binigyang diin sa resolusyon na ang pagpaslang kay Lapid ay ikinalungkot at ikinagalit ng mga journalist sa Pilipinas at sa iba pang mga bansa.
Ito ay dahil itinuturing nila na ang nasabing krimen na pag-atake sa pamamahayag at mga mamamahayag na dapat matuldukan para maisalba at mapanatili ang demokrasya.
Nakapaloob din sa resolusyon ang pagkilala sa apat na dekadang pagsiserbiyo ni Lapid sa broadcast industry at ang pagiging matapang nitong komentarista.