Kamara, natatakot na malamangan ang gobyerno sa hiling na STL expansion

Manila, Philippines – Nababahala ang mga kongresista na malugi at lamangan ang gobyerno sa planong expansion sa Small Town Lottery.

Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations, sinabi ni Appropriations Committee Chairman Karlo Alexei Nograles na posibleng gamitin na “front” lamang ng mga illegal gambling lords ang STL expansion.

Duda rin si Kabayan Rep. Harry Roque sa itinaas ng halaga ng STL proceeds na 183% o 18.32 Billion ngayong 2017 kumpara sa 6.46 Billion noong nakaraang taon.


Giit ni Roque, posibleng ‘tip of the iceberg’ lamang ang pakinabang dito ng gobyerno at nagagamit ang pagpapalawig sa STL para payamanin ng mga jueteng lords ang kanilang mga sarili.

Sinabi naman ni PCSO Chairman Jose Jorge Corpuz na mula sa 18 ay nasa 92 STL operators na ang na-accredit.

Batid ni Corpuz na may mga underground o illegal gambling pero ang STL expansion at accreditation ang nakikita nilang paraan para gawing ligal ang operasyon at kumita din ang gobyerno.

Hiniling naman ni Roque na gawing computerize ang STL system upang maging sentralisado ang kanilang mga operasyon.

Facebook Comments