Pabor si House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman Michael Aglipay na palayain ang mga nakakulong na Pharmally officials sa Pasay City Jail.
Kasunod na rin ito ng apela ng pamilya ng mga Pharmally executives na palayain na ang kanilang mga kaanak.
Ayon kay Aglipay, kapwa naman na nakapaglabas ang Kamara at Senado ng rekomendasyon kaugnay sa isyu ng pagbili ng COVID-19 supplies at equipment.
Pareho ring pinakakasuhan ng Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang mga opisyal ng Pharmally kaya naman ito ay ipaubaya na lamang sa korte.
Batay sa rekomendasyon ng House Blue Ribbon Committee, pinasasampahan ng kasong syndicated estafa ang mga Pharmally executives matapos ang isinagawang imbestigasyon sa umano’y overpriced medical supplies na binili ng Department of Health (DOH) para sa COVID response.