Kamara, paiimbestigahan na rin ang pagpatay sa hazing sa UST law student

Manila, Philippines – Hiniling ni Quezon City Rep. Winston Castelo na imbestigahan ng Mababang Kapulungan ang pagkamatay sa hazing ng 22-anyos na UST Law student na si Horacio Castillo III.

Sa House Resolution 1322 na inihain ni Castelo, layunin nito na itama ang nakapaloob sa Anti-Hazing Law.

Nakasaad kasi sa kasalukuyang batas ang pag-regulate sa initiation rites pero hindi natitigil ang mga kaso ng hazing at may mga fraternity members pa rin na namamatay dahil dito.


Nais tukuyin sa imbestigasyon kung saan ang kahinaan at butas sa batas para mabigyan ito ng ngipin upang matigil na ang hazing sa mga fraternity rites.

Layunin din ng imbestigasyon na irekomenda ang pagpapanagot sa mga mapapatunayang nasa likod at responsable sa pagkamatay ni Castillo.

Makakatulong din ang pagsisiyasat para sa mga panukala na naglalayong amyendahan ang Anti-Hazing Law.

Mula ng maging batas ang Anti-Hazing Law noong 1995, maraming kaso na ng mga namamatay sa hazing ang naitala habang iilan pa lamang talaga ang nakulong o naparusahan dahil dito.

Facebook Comments