Muling umapela sa gobyerno ang Makabayan Bloc na buwisan na ang mga bilyonaryo sa bansa.
Giit ng grupo, sa kabila ng pandemya ay lalo pang lumobo ang mga kayamanan ng mga Filipino billionaires.
Sa kasamaang palad, sa halip na buwisan ang mga lalong yumayaman ay mas prayoridad ng Duterte administration ang pagbabawas sa corporate income taxes ng mga malalaking kompanya na pagmamay-ari ng mga bilyonaryo sa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprise o CREATE Law.
Punto ng Makabayan, sa ganitong panahon ng pandemya at pagbagsak ng ekonomiya ay dapat na i-refocus ang pagbubuwis na mas dapat ipinapataw sa mga kayang magbayad nito at hindi sa mga manggagawang nabibigatan na sa epekto ng krisis.
Bunsod nito ay agad pinaaaksyunan ni Bayan Muna Partylist Rep. Ferdinand Gaite sa Kamara ang inihain nilang House Bill 10253 o Super Rich Tax.
Aamyendahan nito ang National Internal Revenue Code kung saan pinapatawan ng 1% tax ang mga mayayamang may assets na higit sa P1 billion, 2% na buwis naman para sa mga may higit P2 billion at 3% tax sa higit P3 billion ang kayamanan.
Kung maipapatupad, inaasahang makakalikom ang gobyerno ng P236.7 billion kada taon.