Kamara, pinamamadali ang FDA sa pagproseso ng aplikasyon o permits ng mga local pharmaceutical companies

Pinamamadali ni House Speaker Lord Allan Velasco ang Food and Drug Administration (FDA) sa pagproseso ng aplikasyon ng mga local pharmaceutical companies o mga gumagawa ng gamot.

Ito aniya ay para mapalakas ang kakayahan ng bansa kontra sa krisis-pangkalusugan gaya ngayong may COVID-19 pandemic.

Tinukoy ng Speaker na mismong ang mga ito ay umaaray dahil sa mabagal na proseso o pagkakatengga ng kanilang aplikasyon o permit sa FDA na ang iba ay tumatagal pa ng maraming taon.


Halimbawa rito ang aplikasyon para sa Certificate of Product Registration o CPR at Emergency Use Authorization o EUA permits.

Batay sa checklist ng FDA, umaabot sa walong buwan bago makumpleto ng isang kompanya ang mga hinihinging requirement para sa CPR pa lamang.

Kaya naman umaapela si Velasco na mawala na ang “red tape” at pagaanin o bawasan na ang mga “redundant” o paulit-ulit na requirements lalo ngayon sa kasagsagan ng health crisis.

Batid naman ng lider ng Kamara na kailangan ng pag-aaral sa mga gamot at kahalintulad, ngunit kailangan aniyang balansehin din ang sitwasyon sa panahon ng pandemya.

Facebook Comments