Duda si Deputy Speaker Bernadette Herrera na posibleng sumobra sa paggamit ng kapangyarihan ang Philippine Health Insurance Corp. o PhilHealth kaugnay sa pansamantalang pagsuspinde sa pagbabayad ng claims ng mga ospital at health care providers.
Ito ang nakikita ng kongresista sa gitna na rin ng hidwaan ng PhilHealth at mga samahan ng mga pribadong ospital dahil sa circular para sa Temporary Suspension of Payment of Claims (TSPC) na may kinalaman sa COVID-19.
Bunsod nito ay naghain si Herrera ng House Resolution 2153 na nag-aatas sa House Committee on Government Enterprises and Privatization at Committee on Health na imbestigahan ang PhilHealth Circular 2021-0013 sa pagsuspinde sa pagbabayad ng claims.
Nagbabala ang kongresista na ang naturang circular ng PhilHealth ay maaaring magdala ng seryosong epekto sa mga hakbang at pagsusumikap ng pamahalaan para matugunan ang COVID-19 pandemic.
Paalala pa nito na dapat unahing isipin ang kapakanan ng mga miyembro ng PhilHealth na posibleng mapagkaitan ng Universal Health Care (UHC) Services.
Umapela rin ang kongresista sa mga ospital na huwag namang maging mapagsamantala sa paghahain ng mga claim.
Bukas ay magkakaroon ng dayalogo sa pagitan ng Philhealth at mga hospital groups na pangungunahan ng House Committee on Health.