Pinakikilos ni House Ways and Means Committee Chairman at Albay Rep. Joey Salceda ang Kamara para magpasa ng supplemental budget para sa pagbangon ng Batangas kasunod ng pagputok ng Bulkang Taal.
Ayon kay Salceda, napagtanto nila na kulang ang P16 Billion na inilaan para sa disaster fund sa 2020 budget.
Paliwanag ni Salceda, dapat ay nasa P20 Billion ang orihinal na disaster relief fund pero binawasan nila ngayong taon dahil hindi naman nagagamit o mabagal ang utilization.
Giit ni Salceda, kailangan na magpasa ng supplemental budget lalo na kung pangkabuuan ang gagawing rehabilitasyon sa mga bayan na apektado ng bulkang taal.
Inirekomenda ni Salceda na bumuo na ng Taal Eruption Recovery, Rehabilitation and Adaptation Plan (TERRA) na mangangailangan naman ng P60 hanggang P100 Billion kung better forward ang plano na kung saan kasama na pati ang rehabilitasyon at pagbabalik ng economic growth ng lalawigan.
Sinabi pa ni Salceda na kung recovery at reconstruction lang ay aabot sa minimum na P12 Billion ang kakailanganing pondo.