Kamara, pinasisilip ang sitwasyon ng mga apektadong pamilya ng kaguluhan sa Marawi

Manila, Philippines – Inihain ng MAKABAYAN Bloc sa Kamara ang House Resolution 1085 na nagpapaimbestiga sa kalagayan ng mga apektadong pamilya sa kaguluhan sa Marawi City.

Sa resolusyong inihain nila Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, Gabriela Reps. Emmi de Jesus at Arlene Brosas, ACT Teachers Rep. Antonio Tinio at France Castro, Anakpawis Rep. Ariel Casilao at Kabataan Rep. Sarah Elago, inaatasan ang House Committee on Human Rights na suriin ang sitwasyon ng mga residenteng apektado ng pinaiiral na martial law at kaguluhan sa Marawi.

Tinukoy ng mga mambabatas sa resolusyon na nakasaad sa Konstitusyon na sa lahat ng oras ay mas dapat na mangibabaw ang civilian authority kaysa sa militar.


Ang Armed Forces anila ay dapat na magsilbing tagapagtanggol ng publiko at bansa.

Ipinasisilip ng mga mambabatas sa Kamara ang kalagayan at paghihirap na dinaranas ng nasa mahigit 20 libong pamilyang naiipit sa bakbakan at nagsisiksikan sa 25 evacuation centers.

Batay din sa tala ng DSWD, nasa mahigit 17 libo o humigit kumulang 86 na libong indibidwal ang nananatili naman sa labas ng mga evacuation centers.

Kamakailan ay nagtungo sa Marawi sina Brosas at Zarate kung saan patuloy na humihingi ng tulong ang mga biktima ng Marawi siege partikular sa sanitation facilities, healthcare services, at psychosocial activities para mabawasan ang impact ng gyera lalo na sa mga kabataan.

Facebook Comments