Mamadaliin ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagsusulong at pagapruba sa Department of OFW Bill kasunod ng utos ni Pangulong Duterte na maisabatas ito bago matapos ang taong 2019.
Nangako si Taguig Rep. Alan Peter Cayetano na sa oras na maupong Speaker ng 18th Congress ay gagawa siya ng paraan upang makuha ang target date ng pangulo sa buwan ng Disyembre.
Dahil national bill ang panukala na pagtatatag ng OFW Department ay posibleng magkaroon ng sabayang pagdinig ang Senado at Kamara para agad na maipasa ang panukala.
Sa ilalim ng bagong kagawaran para sa mga OFWs, ito na ang mangunguna para tugunan at solusyunan ang mga problemang kinakaharap gayundin ang mga benepisyong dapat na matanggap ng mga domestic workers.
Bukod sa Department of OFW ay target din ni Cayetano na agad na maipasa ang 2020 national budget at ang ikalawang tranche ng tax reform program.
Punto pa ni Cayetano, malaki ang “advantage” ngayon ng magandang ugnayan ng kamara at senado dahil magkakaroon ng buwanang meeting ang Speaker at Senate President at mga kinatawan ng Executive Department para sa pagsusulong ng mga “priority legislation” ng administrasyon.