Kamara, tuloy na rin ang sesyon sa susunod na linggo kahit mapalawig pa ang ECQ

Tuloy na rin ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa kanilang pagbabalik sesyon na nakatakda sa August 23 kahit pa mapalawig ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila.

Kinumpirma mismo ni Speaker Lord Allan Velasco na tulad sa Senado ay itutuloy na rin nila sa Kamara ang sesyon sa susunod na linggo kahit pa nasa ilalim ng lockdown ang National Capital Region (NCR).

Magkagayunman, para hindi mahirapan ang mga kongresista at mga kawani ng Kamara ay “hybrid” ang gagawing sesyon kung saan mayroon lamang na iilang present sa plenaryo habang karamihan ay dadalo na lamang sa pamamagitan ng videoconferencing.


Sa susunod na linggo rin kasi inaasahan ng Kamara ang pagsusumite ng Department of Budget and Management (DBM) sa 2022 National Expenditure Program (NEP).

Sa oras kasi na maisumite sa August 23 ang panukala para sa pambansang pondo ay agad na nila itong isasalang sa budget deliberation sa loob ng tatlong araw.

Plano namang pasertipikahang urgent ang 2022 national budget upang bago sumapit ang October 1 session break ng Kamara ay napagtibay na nila ang P5 trillion na pondo sa susunod na taon.

Facebook Comments