KAMPANYA KONTRA ILLEGAL GAMBLING | PAGCOR, namahagi ng limang milyong pisong financial assistance sa NBI

Manila, Philippines – Nakatanggap ang National Bureau of Investigation (NBI) ng limang milyong pisong financial assistance mula Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR bilang bahagi ng pagtutulungan ng dalawang ahensya para labanan ang illegal online gambling.

Ayon sa inilabas na pahayag ng PAGCOR ang naturang halaga ay gagamitin para makabili ng mga makabagong kagamitan gaya ng laptops; video camcorders; laser multifunction scanner/printer/copier, multimedia LED projectors, LED TV at iba pa.

Paliwanag ng PAGCOR na ang mga naturang mga kagamitan ay gagamitin para sugpuin ang illegal online gaming activities at mapalakas ang cyber response, cybercrime investigation at cyber security ng NBI.


Positibo naman si PAGCOR Chairman and CEO Andrea Domingo sa mas malakas na ugnayan ng mga ahensya ng pamahalaan para matuldukan na ang mga aktibidad ng illegal online gambling.

Dagdag pa ni Domingo na ang pakikipag-ugnayan sa ibat-ibang ahensya ng gobyerno ay mas nagpapalakas sa kanilang monitoring activities dahilan para mas malabanan ang illegal gambling.

Nagpasalamat naman si NBI Director Attorney Dante Gierran sa ibinigay na tulong ng PAGCOR kasabay ng pagtiyak nito na maayos na gagastusin ang perang naipagkaloob sa ahensya.

Matatandaan na mas tumibay ang ugnayan ng PAGCOR at NBI matapos pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 13 noong February 2, 2017 kung saan layun nito na mas palakasin ang kampanya kontra illegal gambling.

Facebook Comments