
Nagpapatuloy ang bail hearing sa Sandiganbayan Sixth Division laban sa siyam na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH)–MIMAROPA na iniuugnay sa maanomalyang flood control project sa Naujuan, Oriental Mindoro.
Muling humarap sa korte bilang testigo si DPWH–MIMAROPA Officer-in-Charge (OIC) Regional Director Editha Babaran, at sumailalim sa cross-examination ng depensa. Sa pagdinig, tinalakay ng hukuman at ng magkabilang panig ang isinagawang inspeksyon sa proyekto noong September 9.
Kinuwestiyon ng kampo ng mga akusado ang kredibilidad at batayan ng pahayag ni Babaran na madaling masisira ang road-dike project sa nasabing lalawigan. Ipinunto ng depensa na kailangan munang linawin ang teknikal na basehan bago maglabas ng ganoong pahayag sa harap ng korte.
Binanggit din sa pagdinig ang kahilingan ng contractor para sa isang inspeksyon bilang bahagi ng proseso para sa Certificate of Completion, at tinalakay kung paano nakaapekto rito ang kasalukuyang work suspension. Kasama rin sa isinasagawang pagtatanong ang usapin ng insurance coverage ng proyekto at ang posibleng remedial work na dapat gawin ng contractor kung may madiskubreng depekto.
Ayon sa korte at mga partido, pansamantalang nasa work suspension ang nasabing dike matapos itong masuri ni DPWH Secretary Vince Dizon, habang nagpapatuloy ang mga legal at teknikal na hakbang.










