Ikinokonsidera ng mga abogado ng pamilya ng napaslang na transgender na si Jennifer Laude ang paghahain ng administrative charges sa Korte Suprema laban sa abogado ni United States Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton at ang Trial Judge na naglabas ng release order.
Ang tinutukoy ay sina Atty. Rowena Flores, legal counsel ni Pemberton at Judge Roline Ginez-Jabalde ng Olongapo Regional Trial Court.
Ayon kay Atty. Virginia Lacsa Suarez, legal counsel ng pamilya Laude, nilabag ng korte at ng abogado ng kabilang kampo ang due process.
Ang Korte Suprema aniya ay mayroong jurisdiction sa administrative cases laban sa mga hukom at sa mga abogado.
Binigyang diin ni Suarez na hindi inabisuhan ng kampo ni Pemberton ang pamilya Laude na naghain ang US Marine ng mosyon na humihiling ng kaniyang kalayaan.
Mali rin aniya ang paggamit ng hukom sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) law kay Pemberton.
Hindi rin dumadaan sa kaniya si Flores at dumidirekta sa pamilya Laude at maituturing itong unprofessional.