Kampo ni Jinkee Pacquiao, pumalag sa pambabatikos ni Agot Isidro sa luxury bikes

Agot Isidro (L) Jinkee Pacquiao (R) Photos: Instagram

Binalikan ng kampo ni Jinkee Pacquiao ang pamumuna ni Agot Isidro sa pagbabalandra ng mamahaling bisikleta ng misis ni Senator Manny Pacquiao.

Binira kasi ng aktres nitong Huwebes ang pagpo-post ni Jinkee ng Hermés at Louis Vuitton bike sa social media sa kabila aniya ng kasalukuyang krisis.

Sabi ni Agot sa Twitter, “Alam namin na marami kayong pera. At kung ano ang gusto ninyong gawin sa pera na yun, wala kaming pakialam.”


“Pero marami rin ang walang trabaho at nagkukumahog humanap ng pera para may pakain sa kanilang pamilya. Puede ba, konting sensitivity man lang?” hinaing ng aktres.

Sa isang Facebook post sa parehong araw, bumuwelta rito ang business manager ng pamilya Pacquiao na si Arnold L. Vegafria (ALV).

“What’s your issue, Agot? What Jinkee posts on her Instagram page is not for us to judge,” banat ni ALV.

Aniya pa, “What she does with her family’s hard-earned money is none of our business, because such bountiful blessings are just the fruit of her husband’s esteemed legacy as an iconic Filipino boxing legend and businessman, and are not stained in any way by graft or corruption.”

Sinabi ng manager na nagsumikap din si Jinkee na umangat bilang “matalino at masinop” na negosyante.

“You probably have no idea as to the extent by which the good Senator, Manny Pacquiao and his family, have done so much to help our countrymen, not just during the past three months during the height of the pandemic, but even way before when he was still working hard to achieve his iconic stature,” dagdag ni ALV.

Ayon pa sa manager, marahil ay wala raw nababalitaan si Agot tungkol sa naitutulong ng mga Pacquiao, dahil hindi raw sila tipo ng tao na magyayabang ng ginagawang kabutihan.

Binanatan din ni ALV ang paggamit ng aktres ng salitang “nouveau” (“nouveau riche” na ang ibig sabihin ay “bagong yaman” o kaaangat lang sa buhay) para ilarawan si Jinkee.

“The Pacquiaos have worked hard over the past decades to achieve their current standing in society, and despite their status, they have remained humble, low-key and generous to whoever asks for their help,” aniya.

“Their fervent desire to serve their countrymen continues to inspire them to pursue higher education and excel in their public service endeavors,” pagtatapos ng manager.

Matapos mag-trending si Agot at tirahin din ng ilang netizen na nagsabing “inggit” lang siya, muling nag-tweet ang aktres para linawin ang kanyang pahayag.

Aniya, “Sinabi ko naman na wala akong pakialam kung saan ginastos ang kaperahan. I’m sure marami na rin ang natulungan. Ang sa akin lang, kailangan ba namin makita yan, sa gitna nang paghihirap na dinaranas ng nakararami?”

Hirit pa ni Agot, “Sensitivity ≠ accountability
Iba po ‘yun.”

Facebook Comments