Kampo ni Mayor Soriano ng Tuguegarao City, Maghahain ng ‘Motion for Reconsideration’ sa ‘Guilty verdict’ ng Sandiganbayan

Cauayan City, Isabela- Nasa proseso na ng paghahain ng Motion for Reconsideration ang kampo ni Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano kaugnay sa naging hatol ng Sandiganbayan sa kontrobersyal na rubber boat case laban sa kanya at limang iba pang retiradong opisyal ng Philippine National Police (PNP).

Sa 88 pahinang desisyon, hinatulang ‘guilty beyond reasonable doubt’ ng Sandiganbayan Third Division si Soriano at iba pang heneral sa kasong graft dahil sa pagbili umano ng rubber boat at outboard motors na umabot sa P131.5 million noong 2009.

Ang desisyon ay naipahayag noong Hunyo 25, matapos hatulan ang mga sangkot ng 6 na taon at isang buwan hanggang 8 taon at perpetual disqualification sa paghawak sa public office.


Sa official statement noong June 30, 2021, si Mayor Soriano na dating Deputy Director General at Bids and Awards Committee (BAC) head, ipinahayag niya na kasalukuyan na ang pagproseso sa kanilang mosyon upang ipaliwanag ang kanyang depensa sa kanyang mga kababayan matapos ang naging hatol ng Sandiganbayan.

Bukod pa dito, sinabi rin ni Soriano na ang trabaho ng mga miyembro ng BAC ay sa rekomendasyon para sa kwalipikadong supplier kung saan ang PNP Chief ang siyang Head of the Procuring Entity (HOPE) at wala na umanong magagawa pa ang BAC sa usapin ng delivery ng mga kagamitan at hawak na ito ng iba pang komite.

“The issues involved were procedural and technical in nature, and rest mainly on the boats that were delivered. There is no accusation of embezzlement of money in this case,” pahayag ni Soriano.

Dagdag pa niya, malaki ang natipid ng BAC na umabot sa P53 million na siyang ginagamit sa pagbili ng watercrafts para magamit ng PNP Maritime Group.

Inihayag rin niya na ang orihinal na pondo sa pagbili ng kagamitan ay nasa P180 million ngunit nagawan pa ito ng paraan na maibaba hanggang sa inirekomenda ng BAC na bawasan ang pondo sa P127 million na lamang.

Kamakailan ay hinatulang guilty ng Sandiganbayan sina dating PNP Chief Jesus Verzosa; PNP Deputy Director General Benjamin Belarmino Jr.; Director and BAC Vice Chair Luizo Ticman; Director and BAC member Romeo Hilomen; at Chief Superintendent and BAC member Villamor Bumanglag.

Facebook Comments