Ayon kay PDP- Laban Executive Vice Chairman Koko Pimentel, nagpapakita ng pagiging desperado ang umano’y tinatrabahong pagpapatalsik kay Senator Manny Pacquiao sa PDP -Laban dahil sa plano umano nitong gawing national political party ang PCM o People’s Champ Movement.
Giit ni Pimentel, walang otoridad ang mga nasa likod ng planong pagpapatalsik kay Pacquiao na siyang pangulo ng partido.
Anumang hakbang laban kay Pacquiao ay ilegal at paglabag sa Konstitusyon ng partido.
Binanggit pa ni Pimentel na malinaw sa mga dokumentong pinapakalat na binitiwan ni Pacquiao ang pagiging pangulo ng PCM na isang regional political party.
Inihalimbawa pa nito ang sitwasyon ni Pacquiao kay President Rodrigo Duterte na miyembro rin hanggang sa ngayon ng local party na Hugpong sa Tawong Lungsod.
Hindi umano tamang pagdudahan ang katapatan ni Pacquiao sa PDP- Laban na pinagsilbihan nito bilang campaign manager noon at ngayon ay bilang national president.
Naniniwala si Pimentel na bluff lang ang lahat ng hakbang laban kay Pacquiao na kagagawan ng mga politiko na hindi umano makabayan at layuning guluhin ang “pambansang kamao” sa kanyang nalalapit na laban sa boksing na inaasahang magbibigay muli ng karangalan sa bansa.